Uncategorized

Simbang Gabi (December 24, 2011 @ Mother of the Redeemer Parish, Diocese of Novaliches)

Hatinggabi noong ika-24 ng Disyembre nang nagdalawang-isip ako kung matutulog pa ako o hindi. Sa takot na hindi na ako magigising ay hindi ko na itinuloy, at lumaklak na lamang ako isang mug ng kape at nanood ng dalawang pelikula: The Hangover 2 at In the Realm of the Senses. Sabi ko sa sarili ko, “Bahala na kung masunog ako habang papalapit sa simbahan mamaya. Either way, pakiramdam ko naman wala rin talaga akong ligtas sa eternal damnation dahil sa pagiging agnostic ko (papalit na sa pagiging atheist). Sa paningin nila, that is.”

Lumabas ako nang mga bandang alas-kwatro ng madaling araw at damang-dama ko ang napakalamig na simoy ng hangin. Marami akong nakasalubong na mga lasing at tambay–nagsisigawan, nagtatawanan, at pagewang-gewang habang naglalakad. Dala ng pagiging paranoid ko ay hinihintay ko na lamang na may maglabas ng kutsilyo sa kanila at tututok sa akin. Ito ay isang farfetched na ideya lang namang tumakbo sa isip ko.

Malayo pa lang ako’y naaamoy ko na ang mainit na goto at lugaw mula sa maliit na tindahan sa tabi ng simbahan. Kakaiba sa simbahang ito, walang puto bumbong at bibingka. Ang uso dito ay goto, lugaw, at buko juice. Napakarami nang tao sa labas. Ang mga malapit sa entrada ng simbahan ay amoy bagong-ligo at maayos ang pananamit. Masasabing pinaghandaan nila ang simbang gabing ito (Totoo kaya?). Samantala, sa pagtawid naman ng kalsada ay nakatambay ang maraming kalalakihan. May ilan sa kanilang hindi ko maisip kung lasing o sadyang inaantok lamang, subalit sigurado ako sa nakapinta sa kanilang mukha, na hindi sila tunay na nakikinig sa sermon ng pari. Aaminin ko, kahit ako’y hirap ding intindihin ang sermon niya dahil medyo mahina ang sound system sa labas. Sa pagitan ng mga kalalakihang nakatambay at ng mga tao sa entrada ay ang kalsadang halos nasakop na ng mga tao. Nakakadagdag ito sa gulo, ingay, at hirap sa pag-intindi ng sermon dahil sa mga dumadaang sasakyan.

Sa ‘di maipaliwanag na kadahilanan (na malamang ay paranoia), ay mas napapansin ko talaga ang mga taong mukhang hindi gagawa ng mabuti at mga mukhang manggugulo lamang sa simbahang iyon. Dala na rin siguro ng paranoia sapagkat ako’y mag-isa lamang at may dala pang camera kaya ko naiisip ang mga ito. May isang grupo ng mga malilikot batang kalalakihang tumabi sa akin at lalo naman akong kinilabutan, pero mabuti na lamang at nabaling ang atensyon ko sa kanila nang marining ko ang paring sinabing…

“At pansin ko lang ano, na marami na sa inyong nakakatulog. Kung kayo ang nandito sa lugar ko ngayon, ay makikita niyo talaga kung sinu-sino sa inyo ang mga wala na sa wisyo na makinig.”

Biglang nagkaroon ng mabibilis na pag-iling at paglingon ng mga ulo sa aking paligid, marahil nagbabasakali kung may mahuhuli silang kapwa na maaaring may kasalanan. Siguro tumatakbo sa isip nila, “Leche ka ipinahamak mo naman kami. Sarap sarap ng tulog ko, kung makapagpahalata ka naman.” Ayan na ang silent panic, parang mga estudyanteng nasermonan sa loob ng klasrum.

Limampung minuto na ang lumipas, at napagtanto kong dumating na kami sa punto ng Simbang Gabi kung saan naging sinehan na ang simbahan. Kapansin-pansin ang mga taong nagsimula nang  umalis nang patago: “Ayan, andito na ako sa bahaging nasimulan ko kanina, sige mauuna na ako sa inyo ha.” Marahil ay iyon ang inisip ng matandang lalaking naka-floral polo sa aking tabi nang siya ay naglakad paalis. Sakto ang pag-alis ng mga tao sa parte ng misa kung saan naglabas na ng mga basket at net na lalagyan ng pera ang mga matatandang babae. Maaaring walang dalang pera ang mga tumatakas. Pwede rin namang takot sila sa mga matatandang babaeng may bitbit ng basket at net.

At ako naman? Napagdesisyunan kong mag-abot na lamang ng limang piso at umalis, sapagkat napagtanto kong I’ve seen enough. Hindi ko maisip kung ano talaga ang ipinupunta ng mga taong ito dito. Parang sinehan, basta-basta na lang sila umaalis. Nagdadaldalan, natutulog. Nakikiamoy sa mabangong lugaw at goto ng tinder sa tabi. Nakikipag-bonding sa mga kaibigan. Puwede rin namang para lang makumpleto ang Simbang Gabi. Iba’t ibang dahilan tulad ng peer pressure, tradisyon, dahil sa crush, at iba pa. Natagpuan ko na ang ipinunta ko dito, kaya ako’y umalis na.

Pasensiya na, Zechariah. Hindi ko na tinapos ang sermon tungkol sa iyo. Hindi ko rin naman lubos na maintindihan sa ganitong klase ng environment. Naaamoy ko pa ang lugaw at goto, at iyon na ang nag-udyok sa akin upang umalis at dinggin ang kalam ng sikmura.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s