Uncategorized

Alimuom Tuwing Alas-Kwatro ng Hapon

“Ang alimuom ay ang init ng lupa na sumisingaw matapos itong mabasa ng tubig lalo na kapag biglang umulan sa isang mainit na araw. Pinaniniwalaan na ito ay nagdadala ng kabag o pagkahilo.”

Hindi kabag o pagkahilo ang alay ng alimuom sa akin, bagkus ito ay nagdadala ng mga alaala ng aking kabataan, mga panahong tila napakasarap balikan sapagkat napakalinaw ng lahat kapag ito’y tumatakbo sa aking isipan.

Alas-kwatro ng hapon — may kataasan pa ang sikat ng araw, at kakagising ko lamang mula sa siesta. Ayaw ko ng siesta, nang pinipilit matulog sa hapon. Kasi naman, sino ba namang bata ang aantukin sa hapon, eh ang gusto lang naman nila ay manuod ng telebisyon o kaya makipaglaro sa mga kapitbahay. Subalit matapos mananghalian, ay tatawagin na kami ng kasambay — ako, at ang aking mga pinsan upang matulog. Kaya naman titiisin namin ang dalawang oras ng pagtutulug-tulugan. Hihintayin ang paggising (kuno) sa amin para mag-meryenda ng champorado, o kaya nama’y ginataang mais. Matapos noon ay papayagan na kaming maglaro sa labas ng bahay.

Alas-kwatro na ng hapon — lalabas na ang mga kapitbahay (kasabay ng aming kasambahay). Tangan ang kani-kaniyang mga tabo, balde, o kaya nama’y hose, ay magsisipagdilig na silang lahat sa kani-kaniyang mini-garden sa Switzerland Street. Kami naman ng aking mga pinsan at iba pang kalaro ay maglalaro na ng habulan at taguan. Sa mga panahong ito, amoy na amoy na sa kahabaan ng aming street ang amoy ng alimuom na nagagawa ng sabay-sabay na paglilinis at pagdidilig. Gustung-gusto ko ang amoy na ito — kahit kailan ay hindi ito nagdulot sa akin ng kabag o pagkahilo. Sa katunayan ay gustung-gusto ko ang amoy na ito — kaya minsan mas gusto kong pinapanuod na lang ang aming kasambahay habang nagdidilig siya at naglilinis ng tapat ng aming bahay. Gusto kong napapalibutan ng amoy ng alimuom — Para sa akin, ito ang amoy ng aking kabataan, ng pagkalaya, at ng pagsasawalang-bahala na kaakibat ng pagiging isang bata.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s