Uncategorized

Balikbox.

Dumating na ang mga kahun-kahong pasalubong na ipinadala ni Nanay mula sa United States, at siyempre, sabik na sabik na naman kaming magkakapatid at nagkukumahog na nag-unahan sa harapan ni Manong na taga-deliver ng mga kahong magpapaligaya na naman sa amin sa susunod na dalawa o tatlong buwan. Mahilig magpadala ng mga regalo si Nanay sa amin, eh. Tuwing summer, bago magpasukan, bago ang 2nd periodical exam, at bago magpasko ay nagpapadala ng mga pasalubong at regalo si Nanay. Alam na alam na niya ang mga paborito naming tsokolate, damit, sapatos, at mga laruan kaya naman walang palya ang mga pasalubong niya palagi.

Paminsan-minsan nga lang, kulang-kulang din ang mga napapadala niyang laruan at palagi kaming nag-aagawan ng mga kapatid ko. Apat kami, at ako ang gitna. Pangatlo. Si Ate Armi ay 12 taong gulang na. Si Kuya Em naman ay 10 taong gulang, tapos si Ella ay limang taong gulang. Ako, kakabertdey ko lang noong Pebrero at walong taong gulang na ako ngayon. Para sa bertdey ko, pinadalhan ako ni Nanay ng mga damit at sapatos. Summer na nga naman kasi, at paborito naming kapag bakasyon ay namamasyal kami sa labas. Madalas ay kasama namin si Tita Medet. Siya ang kapatid ni Nanay na nagbabantay sa amin ngayon sa bahay. Walang asawa o anak si Tita Medet, kaya naman parang naging pangalawang Nanay na namin siya. Sobrang maalaga at maasikasuhin. Pero gusting-gusto ko siya kasi hindi siya nagagalit sa amin sa umaga, kapag ginigising niya kami upang pumasok sa eskwela. Kasi, dati noong may kasambahay pa kami, lagi niya na lang kaming sinisigawan kapag hindi kami makabangon nang maaga. Iyon ang paboritong ugali ko ni Tita Medet. Mabait.

“HOY ARMI AKIN KAYA YAN!”

“Hindi kaya Em utut mo, alam mo namang ito ang paborito kong tsokolate tapos sayo? Whateverrrr!”

“EH MAY MASKING TAPE KAYA! Tingnan mo nakasulat sa Pentel Pen o E-M. EMMMMMM. AKIN.”

“O, o, o! Ayan na naman kayong dalawa, panay na naman ang away. Ganito, bakit nga kasi hindi natin subukang hati-hatiin sa inyong lahat itong mga pasalubong ng Nanay niyo? Para hindi kayo panay ang sigawan at away nang ganiyan. Kapag naman nasa ref na iyan lahat, kaniya-kaniyang kuha at kain na rin naman kayo. Armi, Em, tara tulungan niyo ako nang maayos ang hatian.”

Ibinuhos na naming lahat ang lamang ng mga balikbayan box sa sahig. Bumilog silang lima sa tambak ng pasalubong at hinati-hati ang mga ito. Samantalang ako, iba ang ikinasasabik ko talaga kapag nagpapadala si Nanay ng mga pasalubong.

Kinokolekta ko ang mga naglalakihang kahon, bibitbitin sa may hardin, at doon ako maglalaro sa mga ito.

Kapag naglalaro ako sa mga kahong ito, kahit ano ay puwedeng mangyari. Kahit ano ay puwede kong ilikha. Ngayon, ang gusto ko ay ang maging prinsesa parang si Rapunzel sa Tangled. Kagabi, nanunuod kami nila Kuya Em ng telebisyon at nakita ko ang napakataas na tore ng Rapunzel. Gusto ko rin ng ganoon. Sabi ko Kay Kuya, tulungan niya akong gumawa ng tore eh, kaso wala na kaming materyales at kahon. Hindi pa kasi dumadating ang mga pasalubong at nabasa ng ulan iyong ibang lumang kahon.

Ngayon, ipinagpatong ko ang dalawang kahon at nilagyan ng bato ang ibaba para hindi bumagsak. Sayang lang, ang baba pa rin ng tore ko pero okey na rin! Maliit pa naman ako. Ako si Rapunzel!

Nasaan na si Prince Charming? Late na! Late! Ay, hindi ko nga pala pinuntahan si Carlo kaya pala wala pa si Prince Charming! Si Carlo iyong kapitbahay naming lalaki na lagi kong kalaro ng mga kahon. Minsan, nagbabahay-bahayan kami, prinsipe-prinsesa, o kaya piloto-piloto. Mahilig kasi kaming bumuo ng mga building saka iba’t iba pang mga bagay sa mga balikbayan box. Tapos, magpapanggap kaming pupunta sa kalawakan, o kaya sa United States, o kaya mamamangka sa Pacific Ocean. Sabi naming ni Carlo, mangongolekta kami ng 100 na balikbayan box para makagawa kami ng Titanic sa hardin, tapos gagayahin naming yung sa palabas na iyon. Pero hindi kami maglalagay ng ano nga ba iyon? Ayzberg ang tawag nila dun sa palabas eh. Yung malaking-malaking yelo. Para hindi masira yung barko namin!

Kasi, kapag nasira yung barko namin, paano ako makakarating sa United States? Sabi ko kay Nanay nung nag-uusap kami kasama sila Ate at Kuya kahapon sa Skype, na abangan niya ako eh kasi pupunta kami ni Carlo sa kaniya, kasi gagawa kami ng Titanic, yung pinakamalaking barko sa buong mundo! Gusto ko rin kasing maglakbay at saka pumunta sa ibang bansa tulad ni Nanay. Naiinggit ako sa mga litrato at saka video na pinapakita niya sa amin. Sabi niya malapit na raw siya umuwi, onting hintay na lang daw.

Pero ayaw ko siyang umuwi kasi kapag nandito na siya, wala na akong dahilang maglakbay sa ibang bansa.

At saka, kailangan ko pa ng mas maraming kahon para matapos na naming ni Carlo ang Titanic!

“‘Nay, wag muna! Gusto ko pa ng mga balikbox!”

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s