Uncategorized

Pasmadong Pag-Ibig

Pasma (n.) – isang karamdaman kung kalian ang mga kaso-kasuan at kalamnan ay may kirot o hindi komportableng pakiramdam na mahirap maipahiwatig. Walang katumbas na kahulugan ang pasma sa Ingles o sa modernong Medisina, subalit ang salitang ito ay nag-ugat sa salitang “spasm”. Karaniwang sintomas nito ang nagpapawis na mga palad at paa. (mula sa http://www.kalusugan.ph)

Hanggang ngayo’y palaisipan pa rin kung ang konsepto ng pasma at pasmado ay totoo. Para kasi sa mga naniniwala sa Chinese traditional medicine at Filipino folk medicine, ang pasma at pagiging pasmado ay totoo, at ito’y nangyayari kapag biglang nagbabago ang mga kundisyon. Halimbawa, biglang pagpapalit ng panahon mula sa malamig papuntang mainit, at vice versa.

Iyong mga kakilala kong may karanasan nito ay madalas daw magkaroon ng pasma kapag masyadong nag-eexert ng effort sa mga pisikal na gawain, o kaya naman ay kapag kinakabahan sila. May tawag pa nga kami sa pinagpapawisang kamay. “Naglalawa” ang paborito naming salita para sa nagpapawis na kamay.

Hindi ako kailanman nagkaroon ng pasmadong kamay o paa. Ang pamilya ko ay naniniwala sa pasma. Dati, pagkatapos kong tumugtog sa piano at gitara, ay lagi akong pagsasabihan ng nanay ko na ipahinga muna ang aking mga kamay ng isang oras bago maghugas ng kamay upang hindi ito mapasma. Naniniwala man ako o hindi, ay sinusunod ko ang payo niya na iyon. Mas mabuti na siguro ang mailap. May pagkakataon pa ngang pinagsasabihan ako ng isa kong kaibigang physical therapist na itigil ko na raw ang pagpapaniwala sa konsepto ng pasma at pasmado. Palibhasa’y inaral ang mga konsepto ng Western medicine. “Sinunod” ko naman siya noong panahong iyon. Palibhasa, gusto ko kasi siya. Ang babaw, ‘di ba?

Ang mga naging karelasyon ko, puro pasmado. Niloloko ko sila tungkol sa kanilang pasma. Alam mo na, ang one-on-one session ng mga kalalakihan. Siyempre, lagi naman nilang itinatanggi. Pero gagatungan ko pa at sasabihin mas komang pa nga sila sa akin.

Naisip ko rin, kung ang pasma kaya ay may kinalaman sa personalidad ng isang tao, ano kaya ang ibig sabihin nito? Mayroon kayang common profile ang mga taong pasmado? Isang kahibangan ang isiping posible ito, subalit hindi rin naman masamang ikunsidera ang posibilidad na ito sa tingin ko. Mayroon kasi akong teorya noon na ang mga naaakit kong potential partners ay sobrang kabaligtaran ko – pessimistic, dependent, at maraming problema. Base nga sa aking karanasan, marahil ay may katotohanan ito. At hindi lang iyan, may mga pagkakapare-pareho talaga sila.

Iyong una at pangalawa, parehong nagsisimula ang pangalan sa letrang J. Parehong Taurus. Parehong constipated. Parehong mas bata sa akin ng dalawang taon. Parehong mahilig sa saging. Ayon pa nga sa aking ina at tita, magkamukha pa sila. Napakasama pa man din ng karanasan ko sa nauna, kaya’t natakot ako noong ikalawa. Subalit napagtanto kong may isa silang pagkakaiba. Ang una, kung anong ikinadulas ng kaniyang mga kamay dahil sa pasma, ay ikinahigpit ng kaniyang kapit sa akin. Kung anong ikinapawis ng kamay ay siya namang ikinahigpit ng sakal. Ang ikalawa naman, kung anong ikina”lawa” ng kamay ay siya namang ikinadulas nang napakalayo. Alam mo iyong OA na klase ng dulas? Ang layu-layo niya. Ni ayaw naman niyang dumikit sa akin. Siya iyong tipong bigla na lamang bumibitaw kapag hahawakan ko ang kamay niya.

Eh iyong ikatlo? Sabi nga nila, third time’s the charm. Ayun, malala pa rin ang pasma niya. Pero hindi na siya Taurus. Hindi na rin siya lumalayo. Hindi na rin siya nakakasakal. Hindi naman mahilig sa saging, at hindi rin constipated. Saktong basa, at saktong dulas. (Oo, ang bastos pakinggan pero ganoon talaga ang tingin ko.)

May standard personality type nga kaya ang mga pasmadong nadidikit sa akin? Sa isang banda’y magkakaiba rin naman sila ng personalidad. Isang bagay lang yata talaga ang sigurado, at ito ay ang katotohanang mga pasmado ang mga naaakit ko. Kaya pala ang kaibigan kong physical therapist noon, kahit anong klase ng pagpapapansin ko sa kaniya ay hindi niya ako pinapansin. Hindi siya pasmado, at ‘di rin naniniwala sa pasma.

Standard

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s